PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

PAGGUNITA SA KAHAPON-MAHAL NA ARAW SA PAETE

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Ganito Kami Noon
View previous topic :: View next topic  
Author Message
MING BALDEMOR
Guest





PostPosted: Fri Apr 06, 2007 7:59 am    Post subject: PAGGUNITA SA KAHAPON-MAHAL NA ARAW SA PAETE Reply with quote

Bukod sa Kapaskuhan, ang Mahal na Araw ang pinakamasaya(?) sa bayan ng Paete. Mula sa aking kamusmusan ay laging makulay at may kasiglahan ang panahong ito. Sa kabila ng kabuluhan at tunay na kahulugan nito hindi lamang sa mga Kristiano kundi sa kamunduhan kung bakit laging may dalang saya ang linggong ito sa mga Filipino.

Isasa-isangtabi ko muna ang dapat na maging saloobin ng mga tao sa pag-alaala sa sakripisyo at kamatayan ng Panginoong Hesukristo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Bagkus ay aking lamang babalikan ang mga alaalang walang sawang bumabalik sa akin tuwing darating ang Mahal na Araw.

Linggo de Ramos.

Hangos kaming magkakaibigan sa simbahan dala ang aming mga palaspas para ma-bendisyonan. Kapag daw ito ay inilagay mo sa loob ng bahay, sa mga haligi, ay magiging ligtas ang mag-anak sa loob ng isang taon, kahit sa mga bagyo at lindol. Dahil mga uhugin pa, walang gasinong kamuwangan sa isinasagawang kapistahan kundi ang magdala ng palaspas kagaya ng karamihan.

Lunes at Martes Santo

Bakasyon kasi kaya palaboy-laboy sa buong bayan, naroong maligo sa benditang tubig o sa Ilaya sa ilog, manulay sa malalaking tubo ng tubig mula sa deposito, manirador ng mga ibon at noon pa nga ay nanunusog ng bambang sa paghanap ng manik, tansan at iba pang sa ngayon ay ni hindi sasagi sa isipan ng mga bata. Sasabihin siguro…ewe, yuck!

Miyerkoles Santo.

May salubong ang simbahang Romano at kami ay tatakas sa aming mga bahay upang sundan ang mga salubong sa town plaza at sa plaza Edesan. Mga batang-laboy kami na walang pagsidlan ng kasayahan sa mga ingay na dulot ng maraming tao, mga bilihing kung anu-ano, at sa mga nagdatingang mga kabayang taga-Maynila. Pumunta ka sa mga may-ari ng mga santo at kainang walang katapusan na animo’y bumubukal ang pagkain. Ang biringhe, kalamay at sinabawang sotanghon na may hipon(hibi) ay laging mayroon. Sa Quinale sa Mabini ay taga-ayukod kami sa Poong San Jose na pag-aari ng mga Rabacal.

Minsan nga ay may bisita akong kasamahan sa trabaho sa Maynila at dahil hindi ko sinabing gumagalaw ang mga santo sa Paete, muntik nang himatayin nang bigland kumilos ang Birheng Maria at nagbasbas kay Maria Magdalena ( hehehe!)





Huwebes Santo.

Salubong naman ng Aglipay. Kapareho rin ng sa Romano, iba lang ang may-ari ng mga poon. Ang kagila-gilalas dito ay ang pagbebendisyon ni Birheng Maria sa kasalubong na may tatlong mukha ni Hesus. Mula sa pagkakayuko ang birhan ay tutunghay upang tingnan ang panyong may tatlong mukha ng Panginoong Hesukristo. Pagkatapos ay itataas nito ang kanyang kanang kamay at babasbasan ni Maria Magdalena. Tunay na kagilagilalas ang pagbabasbas na ito. Kaing walang katapusan muli sa bahay ng mga may-ari ng mga poon. Ang kagulat-gulat pa nito, kahit hindi mo gasinong kakilala o kamag-anak, pumasok ka lamang at siguradong busog ka.

Biernes Santo.

Ito ang pinakamahabang prusisyon sa buong santaon. Mantakin mo ba naman halos kalahati ng mga mamamayan (yata) ang kasama rito. Palaging unang lumalabas ang prusisyon ng Aglipay. Mayroon pa ngang lumilipat ng prusisyon at kung bakit ay maraming paliwanag.

Noon ay pinapasan ang karamihan sa mg Santo at may taga-ayukod sa tuwing titigil. Ngayon yata ay may mga hinihila o itinutulak na lamang na mga andas na may gulong o motor.

Noon ay maaamoy mo ang karburo na siyang nagpapailaw sa mga andas na kinalalagyan ng mga Poon, ngayon yata ay mga generator or battery na ang ginagamit.

Mabuti na lamang at kandila pa rin ang hawak ng mga nagpu-prusisyon. Noon ay maliit na kandila lamang ang kaya naming magbabarkada, mahal kasi ang malalaki. Ang mga sapatos ay napupuno ng patak ng kandila at kahit pa mga damit. Nandiyan ang mga “manang” na walang tigil ang pagdarasal ng Rosaryo. May namumuno at may mga tagsagot sa kagrupo ganoon din ang mga nasa dalawang hilera ng nakikipagprusisyon.

Sa ilang mga pagkakataon ay halos nagkakadugtong ang dalawang prusisyon. Inaabot kung minsan ng dalawa hanggang tatlong oras ito mula paglabas (bandang alas-seis) hanggang sa pagpasok.

Sabado de Gloria

Ang pinakatampok sa araw na ito kung hindi sa buong linggo ay ay Sabado de Gloria Ball na pinakamaningning sa dami ng mga naggagandahang kababaihan lalo at kasama ng mga kababayang galing sa ibang lugar o bayan tulad ng Maynila. Iba kasi noon ang dating kapag sinabing taga-Maynila.

Naririyan din ang mga opisyales ng bayan at ng lalawigan. Anupa’t narito ang mga “may sinasabing mga kababayan” maging sa pamunuan ng bayan, sa katayuan ng kabuhayan at kagandahang nag-uumapaw.

Idagdag pa rito ang mga batikan at kilalang mga orkestra na nagpapaligsahan hanggang abutin ng silahis ng araw sa umaga.

Sa pag-batingaw ng kampana na naghuhudyat ng pagpasok ng araw ng Linggo ng Pagkabuhay, ay saglit na titigil ang kasayahan at pagkatapos ay lalo lamang mag-uumigting ang tugtugan at saya na parang pagsalubong sa Panginoon na siyang katuparan ng pangakong pagkabuhay na muli ng lahat na nilalang na walang pasubaling lalasap ng kamatayan.

Marami pang detalya ang aking mga alaala sa Mahal na Araw subalit hindi kayang isaad sa isang pagbahaging katulad nito. Sapat nang kahit sasandali ay sumagi ang aking alaala sa mga nagdaan na lipos sa magagandang kabanata ng buhay. Higit sa lahat ay parang sineng naguguni-guni mo ang mga mukha ng taong naging kasa-kasama mo, mga pamilya, kamag-anak, kaibigan at maging ang mga iba ang dating sa puso mo. At dahil ito ay alaala, ang mga mukhang babalik sa iyo ay yaong mga kabataan pa na puno ng sigla, namumurok ang mga pisngi, nakakahawa ang mga ngiti, mapula ang mga labi, at tila walang pakialam sa inog ng mundo at takbo ng buhay.
Back to top
bgcagayat
Guest





PostPosted: Fri Apr 06, 2007 7:15 pm    Post subject: mahal na araw Reply with quote

Ming, nabasa ko ang post mo at sa palagay ko ay mahal na araw nga yata ang pinakamasaya sa Paete, sa kabila ng tunay na kahulugan nito. Tulad ng sabi mo pag bakasyon noong kabataan ko, mahilig din akong magsulanoy sa bambang at manghuli ng pauton at "rainbow fish". nanunusog sa ilog para manguha ng manik at minsan coins. Malapit sa palayan ang bahay namin at ang pananaltik ng ibon at magyaksa ng bunton, maglaro sa "laguerta" at manghuli ng salagubang at salaginto.
"Palm Sunday" pagandahan ng palaspas, at kung salubong naging "ayukod gang" din ako. Nag-sakristan din sa prusisyon kasama ng mga pinsan kong kang totong at onyong. Pero toto, nalimutan mo yata ang paborito ng lahat, ang paghalik sa "senyor".
Pupunta sa wawa na maraming troso, o kaya naman ay sa playground ng elementary. Malawak pa ang damuhan noon at alagang-alaga ni tandang Juan banal. Partner-partner o tumpok tumpok sa mga sulok-sulok, meron pa sa "lunch counter". Bata pa tayo noon kaya patingin-tingin na lamang. Prusisyon sa biernes santo, pinakamahaba. Pag nag-short-cut ka hindi mo alam ay sa kabilang simbahan ka nakapila. Pag "sabado de gloria", maraming magagandang chicks, galing sa maynila o ibang bayan. Masayang tugtugan at yugyugan. PAQUES vs. BABAT, pagalingan mula gabi hanggang umaga. Puyat, pagod, lasing pero nakangiti pa.
Pagkabuhay, di baga dito tayo pinalulukso pag kalembang ng kampana noong bata pa tayo? Para daw lumaki ?
Ngayon, marami nang nagbago. Wala na sigurong naghahanap ng manik, nanghuhuli ng salagubang, nagsusulanoy at nana-naltik sa palayan(wala na yatang palayan sa atin). Ang mahal na araw hindi mawawala. Ngayon, may pamilya na, malalaki na ang mga anak at may "apo" na, pero ang mga nangyari noon ay hindi malilimutan at kahit kailan nasa aking alal-ala...
Back to top
MING BALDEMOR
Guest





PostPosted: Mon Apr 09, 2007 7:01 am    Post subject: Totoo ang mga sinabi mo, kabungkos Reply with quote

Kabungkos sa PES,

Medyo nalimutan kong isama ang paghalik sa "Senyor" pero kasama ako sa mga pumipila noon. Yung sinasabi mong sa PES playground o wawa ay karugtong paghalik sa "Senyor" ito naman ang paghalik sa "Junior" hehehehe!

Sinong makalilimot kay Amang Juan Banal? Kaakibat ng mga kahenerasyon natin ang kabayan nating ito na uliran sa kasipagan at pagiging malapit sa mga mag-aaral.

Tama ka, Mahal na Araw ang pinakamasaya sa mga okasyon sa Paete. Bale ba ay susundan pa ito ng Flores de Mayo at mga santakrusan di baga? At dahil bakasyon naglipana ang mga bata sa kung anu-anong laro kasama pa ang mga saranggola (bulador) sa palayan. Maraming mga "bulaklak ng Paete" ang nagbabakasyon sa dalawang okasyong ito kaya puno ng "pomada" o' "tancho thick" ang mga buhok natin...hahahahaha!

Katotong Ming
Back to top
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Ganito Kami Noon All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group