PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

Sierra Madre - Bundok Kabuhayan

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Ganito Kami Noon
View previous topic :: View next topic  
Author Message
Tukmol
Guest





PostPosted: Tue Nov 30, 2010 1:03 am    Post subject: Sierra Madre - Bundok Kabuhayan Reply with quote

Isang Pag-gunita,

"Hala, gumising na at mag-igi ng anyo, maya maya laang ay aahon na tayo sa bundok."

Sa sulok ng aking ala-ala ay ginugunita ang mga salitang madalas sabihin ni ina.

Simple laang ang buhay noon, ang Paete ay hindi pa gaanong maunlad, ang "Benditang Tubig" ay may kalayuan sa bayan, sa may paanan ng bundok, malinis, malinaw ang tubig, at saganang dumadaloy sa ilog. Madalas ay dinadayo ang lugar ng mga batang naliligo sa isang bahagi na kung tawagin ay "Black Hawk", marahil ay dahilan sa minsang napakalaking sulat ng koponan ng basketball, isinulat sa malapad na bato at mula noon ay tinawag na ang lugar na Blak Hok. Sa gawing ibaba naman ay mga kadalagahan at mga ina na naglalaba ng kanilang damit sa ilog, ganoon kalinis ang ilog para ito'y gamiting tubig panlaba.....

Habang tinutugaygay ang "Daang Santana" (Sta. Ana) maririnig ang ingay ng mga kuliglig na nakabibinging ingay sa panahon ng tag-araw. Sa pagsapit sa "Unang Liko", pagod na ang paslit kong paa, na madalas ay walang sapin, kaya masakit na sa malilit na batong panaka nakang kumakalat bagama't mayroong malalapad na "step" na doo'y itinanim ng mga naunang tao.

Sandaling pahinga, sisip ng Pepsi at konting minendal (mirienda) na itlog na mabaho (Bibingkang Itlog) na binili ni ama, sa Talipapa.

Sa "Ikalawang Liko" pahinga uli, matapos na uminom sa saluno na saganang dinadaluyan ng tubig bukal, sa may gawi naman ng malaking Balite.

maririnig ang maiingay na motor ng mga bangka na pumapalaot para pandawin ang mga "Palakaya, doon sa dagat. Hindi pa uso ang mga motor bike at mga scooter, kaya't halos ay malinaw na maririnig ang kakaibang galit ng motor ng bangka.

Sa pagtanaw sa dagat, makikita rin ang malaking puno na hinihila naman ng lantsa mula sa Wawa, na istasyon naman ng Loging Company na kung tawagin ay "Interwood", papuntang Maynila.

Pangkaraniwan na ang mag-anak na mga matsing (unggoy) na maingay din nag-iindayog sa malalaking Balite sa Talon. Wala pa noong daan na papuntang 3 krus.

Gawing taas pa ay sasapit na sa "Unang Pahingahan", na katabi mismo ng "Ilog Paho". May mga nauna nang nagpapahinga doon, at ang iba naman ay papalusong, kasama ang mga kalabaw na matiyagang humahatak ng mga "Tablon" o Troso, isang pirasong puno ng kahoy na inilulusong (ibinababa) sa bayan.

Sandaling balitaan, huntahan (pag-uusap) at pagkatapos ay kanya kanya nang gawi sa patutunguhan samantalang ang iba naman ay nakaupo pa rin at nina-namnam ang pamamahinga.

Sa pagsapit sa "Mapulang Lupa", na kinaroroonan naman ng "Pangalawang Pahingahan", ito na ang simula ng patag o pantay na paglalakbay, sa puntong ito, nalampasan na ang pinakamahirap at nakapapagod na pag-ahon (pag-akyat) sa bundok.

Dadaanan ang "Ilog Sintunis" (Kalamansi), mabatong sapa na hindi natutuyuan ng tubig sa buong taon, isa ring lugar upang hugasan ang maputik na mg paa kung panahon ng tag-ulan. Sa malapit din na lugar, kinaroroonan ng naghilerang puno ng "Pilaway" (Pili Nuts) ang mga hinog na bunga ay kusang bumagsak, maitim ito na parang duhat subalit ang kinakain dito ay yaong laman sa loob matapos basagin ang matigas nitong bao, pagkaminsan ay pinuputol na lamang ng itak at sinusungkit ng kapirasong siit ang laman nito sa loob. May mga punong "Katmon" din na ginagawang pambakod ng mga may-ari ng kaingin, paminsan minsan ay nilalantakan din ang napakaasim na bunga habang sinasawsaw sa baon na asin.

Sa gawi pa doon ay kaingin ni tiyo, na pagkaminsa'y kinukunan ng "Mura" (Young Coconut Fruit) habang pampalipas uhaw naman ang matamis nitong tubig sa loob., sabaw ng "Mura" (Malumi kung bigkasin at may bantas na "Paiwa").

Sa pagsapit sa Feder Road, maluwang at ma-alwan na ang paglakad, paminsan minsan ay madadaanan ang mga halamang "Bugus", mababa lamang ito, at kapagka hinog na ay kulaw ubi habang namumusarga at mamasa-masa naman ang laman nito, na kadalasan ay dinadapuan ng mga "Salagubang" (Bettle), kung minsan ay hinuhuli namin at tinatalian ng sinulid at pinaglalaruan.

May mga "Bayabasan" din, tunay na Bayabas, hindi yaong tumutukoy sa ugaling Payti, at malilit subalit matatamis ang bunga nito. Bukod pa doon, mayroong gawi din na tinutubuan ng halaman na kung tawagin ay "Talabak", dilaw naman ang hinog nito at mayroong maitim na mga buto sa loob, na siyang kinakain.

Pagkaraniwan na rin ang puno ng "Akdang", hugis peras naman ang bunga nito, dilaw at mala orange kung hinog na, kumpol kumpol na parang ubas, subalit maasim naman at matigas din ang mga buto. Napakataas ng puno nito at kailangan pang akyatin at putulin ang sanga upang ito'y makuha.

Ang sikat sa mga ito ay puno ng "Panungayan", isang uri na gaya ng sikat na Rambutan, subalit may konting asim ang bunga ng Panungayayan, at kusang tumutubo sa bundok, hindi na kaialangang itanim, kusang ikinakalat ng mga hayop-gubat gaya ng Baboy-Ramo (Wild Boar) at mga Usa (Deer), Musang (Bob Cat), Alimus o Alamid (Black Panther). Halos wala na ang mga hayop na ito sa ating bundok, itinaboy na sila at doon nabubuhay sa malalayong gubat sa gawi ng Quezon.

Pagkaminsan nadadaanan ang mga baging ng "Sapinit" (Raspberry) na kusa ding tumutubo sa tabing daan, lubhang matinik ang tangkay nito subalit kitang kita ang mapupula at hinog nitong bunga. Jackpot kapag nati-tiyempuhan na wala pang ibang naunang dumaan dahil nagpipiyesta ang uhaw na bibig dahil sa pagod sa pag-ahon sa bundok.

Sa pagsapit sa munting dampa, tanggal ang pagod at kapahingahan ng pagal na katawan, nagluluto na si ina ng tanghalian, kapagka isang Sabado na ako'y umaahon galing sa bayan.

Subalit hindi nanatiling paraiso ng bundok na iyon.

Lumipas ang mga panahon, buhay ay uminog, pamilyang nasira, hirap na dinanasan, naunang pumanaw si ama, noong ako'y nasa ikalawang antas ng Hayskul.

At kamakailan lamang ay si ina naman, matapos ang 90 taon niya sa mundong ito, namahinga na rin ang pagal niyang katawan.

Bilang pag-ala ala kay ina, siya'y namulat din sa kahirapan, walang ibang turo sa amin kundi ang pagtitiis, ang pagsisikap, ang lakas ng loob, ang pagdarasal.

Sinuong niya ang pagtangkilik sa responsibilidad kahit na pagkaminsan ay hinuhusgahan siya dahil sa kanyang mga maling ginawa.

Kailan man ay hindi tayo mauunawaan ng tao, tanging Diyos lamang ang tunay na nakaa-alam ng kung ano talaga ang ating dinadanas, at Siya rin ang ating Tanggulan, ang ating Sumbungan, ang ating lakas sa paglaban sa buhay na ito.

Maraming bagay akong ginawa upang bigyan ng sama ng loob ang aking ina, subalit kailan man ay hindi iyon nangahulugan na nagkulang siya. Ginawa niya ang lahat, ayon sa abot ng kanyang pag-iisip at kakayahan, at tanging Diyos lamang ang makauunawa at magpapala sa kanya.

Ngayong nasa piling na siya ng Lumikha, tanging ala-ala na lamang niya ang nabubuhay, at kasabay sa pagkasira ng ating kabundukan sa paligid ng ating bayan, kasabay na ring namaalam ang magaganda at mapapait na ala-ala sa isang kabanata ng buhay.

Ang malilinaw na bukal ng tubig noon, dahil sa tulong ng mga punong malayang nabubuhay sa mga baybayin ng sapa, ng mga ilog, sa mga kaingin. Maingat na iniingatan upang hindi magdulot ng baha at pagkasira sa bayan.

Sa pagkasira ng mga punong ito, tulad ng mga naunang tao, ng mga magulang, tanglaw at gabay, sila ang mga nag-iingat upang tayo'y lumaking mabubuting tao, maging kapaki-pakinabang at hindi sanhi ng pagkasira sa bayan, sa pagpanaw nila, anong aral pa ang ating ituturo sa mga susunod na henerasyon?

Nasa kamay ngayon ng susunod na kabataan, kung aalagaan ang ating kalikasan, kung babantayan ang yamang dulot ng Maykapal, kung pahahalagahan ang mga aral ni ina.

Masumpungan nawa nating lumingon sa nakaraan upang magdulot ito ng magandang aral, at iwasan ang mga pagkakamaling nagawa.

Paalam ina, ang kwentong ito ay handog sa iyong ala-ala.
Back to top
Marlito Baysauli



Joined: 04 Sep 2009
Posts: 32
Location: Moosomin, Saskatchewan Canada

PostPosted: Tue Nov 30, 2010 7:25 pm    Post subject: Ina Reply with quote

Well Said Tukmol, nag-enjoy ako sa kwentong handog mo sa iyong ina. . . .Na-miss ko tuloy ang Ina ko at ang pag ahon sa bundok!

Salamat Tukmol!
_________________
-->RESPECT<---
harungas_03
Back to top
View user's profile Send private message Yahoo Messenger
Somyga



Joined: 13 May 2006
Posts: 250
Location: Somy G. Asido

PostPosted: Tue Nov 30, 2010 8:45 pm    Post subject: Reply with quote

Tukmol,

Salamat sa kuwento mo, nalaala ko tuloy ang daan papunta sa
bundok natin. Noong ako'y maliit pa ay doon ako tumuloy sa Alotay
na pag-aari ng aming Dada Iskong Gusti Asido. Natatandaan ko pa ang mga pahingahan, ang malapad na bato na nabanggit mo. Ang daan ng mga kalabaw na lumalalim gawa ng mga turusong inilulusong sa ating bayan.
Ang pahingahan sa may tabi ng ilog, na magpapahinga at iinom ng tubig sa bukal. huling akyat na lamang at nasa mapulang lupa, na maraming talabak na makakain. Ang natatandaan ko sa mapulang lupa ay meron doong langkang puno. Dito ay maghihiwalay na ang
daan, kamiy papuntang Alotay na, at kaunti pang lakad ay nasa Alotay na kami.
Salamat ng maraming marami sa iyo tukmol. Sana'y meron akong pagkakataon na pasyalan uli ang aking namimis na lugar...Ang Alotay.
_________________
Somy 'Gusti' Asido
Wife: Lulu Telesforo Asido
Magulang: Miming(+) & Doray Galaboc Asido(+)11 F. Sario St., Kapatid nina: Aida, Jojie, Tessie, Malou, Enchang, Bellie and Mario(+)
Back to top
View user's profile Send private message
Tukmol
Guest





PostPosted: Wed Dec 01, 2010 4:08 am    Post subject: Reply with quote

Marlito'

Anong relasyon mo kay Willie Baysauli, nakasamahan ko siya sa mga competition noon sa Manila, magaling siya at mauwido.

Naging kaklase ko si Joselito ang nakababata niyang kapatid.


Somy,

Naging teacher ko sa high school ang kapatid mo si Inang Aida, at pagkaminsan ay pinatitikim din niya kami ng paninda niyang puto, nami-miss ko tuloy.

Natatandaan ko na may punong Langka nga doon sa ikalawang pahingahan, tinatawid namin ang bakod ay pumapalibis kami, dahil sa gawing ibaba noon ay ang napakalinaw na bukal na kinukunan ng malamig na tubig.

Minsan ay napagawi din ako doon sa Alutay, sa kabila pa ng palukpukin na gubat, hanggang doon sa malaking ilog, humigit kumulang ay 15 kilometro o mahigit pa, mula sa pahingahan, sa lupang pag-aari ni Hermie Bagong gahasa, lubhang gubat pa noon, at kabubukas lang ng kanyang kaingin na tinaniman namin ng Sintunis.
Back to top
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Ganito Kami Noon All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group