PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

Pamaskong Tula 2020

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Tulaan (The Forum of Batang Patio)
View previous topic :: View next topic  
Author Message
SCNavarro



Joined: 08 Dec 2010
Posts: 38
Location: Barrie, ON, Canada

PostPosted: Thu Dec 17, 2020 10:44 pm    Post subject: Pamaskong Tula 2020 Reply with quote

ANG PAROL NI AMA
(scnavarro)

Parang kahapon lang , ako ay kasama
Doon sa Humarap, noo'y Disyembre na
Hanap ay kawayan, sa dakong kanluran
sa aming kaingin na tanaw sa bayan

Kawayang Matinik ang sadya ni Ama
Makinis ang balat at kulay ginto pa
Matuwid, matibay, nahuhutok lamang
Sa hanging malakas na galing Silangan

Mga isang dipa, kanyang kailangan
May dalawang dangkal, buong kabilugan
Sa mahabang bi-as, tatlong buko lamang
Kapal ng kawayan, ay ga-kalingkingan

Bumaba sa bundok, dinala sa bayan
Biniyak, kinayas, gagawing bastagan
Ng bituing parol sa amng tahanan
Dahil malapit na, Sanggol ay isilang

Pinag-kurus-kuros, pinagtali-tali
Hanggang maging hugis, para ng kawangki
Ng tala sa Belen na magiging hudyat
Darating si Kristong pag-asa ng lahat.

Ang papel de Hapon ay inihanda na
Iba-ibang kulay, may luntia'y pula
Atoleng pandikit, mainit-init pa
Magmula sa bigas, ginawa ni Ina

Anupa't nabuo ang parol ni Ama
Palamuti nito'y maganda't magara
Sa harao ng bahay ay isinabit n'ya
Dagitab na ilaw ay idinagdag pa

Hindi lamang isang parol ang ginawa
Dal'wang maliliit, sa bawat bintana
Tila nagsasayaw sa hanging mahina
Sa gabi ay tanglaw sa dumaang madla.

Lamig ng Disyembre, tila may babala
May bagyong darating , ito ang balita
Ngayong mag-Papasko, laging may hinala
Darating na unos, malaking pinsala

At nagsimula ngang lumakas ang hangin
Ang patak ng ulan ay nakisabay din
Ulap naghabulan, langit ay dumilim
Kulog sunod-sunod, kidlat matatalim

Nagsimula ito nang dakong hapunan
Ang hangin at ulan tila magdamagan
Bambang na mahibas, umapaw sa daan
Lumipad na lahat, kalat sa lansangan

Ang magandang parol hindi natagalan
Sa lakas ng hangin ito'y nahubaran
Parang basang sisiw na nakaligtaan
Iligtas sa poot nitong kalikasan

Ng mag-umaga na, parol sa bintana
Bastagan na lamang, hindi na magara
Kahit na magdamag ang bagyong nagdaan
Parol 'di sumuko, sa unos lumaban

Katulad ng parol ang buhay ng tao
Kahit na naalis palamuti nito
Kung ang kalooban buo at matatag
Makakaya nito, anumang bagabag

Tayo ay tumulad sa isang kawayan
Sa lakas ng hangin, nahuhutok lamang
Tatag nga ng loob, ating kailangan
Kahit na maghirap, mawalang ng yaman

Sa mga darating pagsubok sa buhay
Kahit na nga halos ikaw ay mamatay
H'wag tayong susuko, ipakipaglaban
Itaya ang buhay at kinabukasan

Kaya paghandaan, darating na Pasko
Tayo ay humingi ng awa kay Kristo
Tutulong sa atin sa pagkakalugmuk
Kahit na dumating, bagyo at pagsubok

Bawat isa tayo tumulong sa kap'wa
Na parang kapatid at magkawang gawa
Para na ring parol, sa daan ay tanglaw
Magbigay liwanag, maging isang ilaw

Kung ang dalangin mo'y tila hindi pansin
Parang hindi dinig, pagsamo mo't hiling
Huwag mabahala biyaya'y darating
Gantimpala'y ankop, sa Dios nanggaling.


"SI KRISTO AY ISINILANG"
Ang tulang ito na maaring awitin sa himig ng "Go Tell It On The Mountain". Ang website ay:
https://www.youtube.com/watch?v=72LE487YZ-U (Original songwriters:Aaron Neville and John Work)

Sa mundo'y ibalita
Si Kristo ay isinilang
Sa lahat ibalita
At tayo'y magdiwang.

Mga pastol na bantay
Isang gabing madilim
Tala na nagniningning
Huminto sa Belen.

Sa mundo'y ibalita
Si Kristo ay isinilang
Sa lahat ibalita
At tayo'y magdiwang.

Mga pastol, nagulat
Anghel, nag-awitan
Sa langit nagbuhat
"Matuwa't magdiwang "

Sa mundo'y ibalita
Si Kristo ay isinilang
Sa lahat ibalita
At tayo'y magdiwang.

Si Kristo'y nahihimlay
Sa abang sabsaban
Siya ang kaligtasan
Ngayong Pasko'y magdiwang

Sa mundo'y ibalita
Si Kristo ay isinilang
Sa lahat ibalita
At tayo'y magdiwang.

Nang ako'y naligaw
Landas ay hinanap
Sa Dios ako umasa
Awa N'ya'y nalasap
.

"Hesus, Ating Pag-asa"
Itong tulang "Hesus Ating Pag-asa" ay maaaring awitin sa himig ng "O Come Divine Messiah". Ang website ay https://www.youtube.com/watch?v=dzNiBdW4Le4
Hesus, ating pag-asa
Sa mundo'y hinihintay Ka
Dahil sa iyong awa
Lungkot mawawala.

Nasaan Ka,
Kailan ba
Sa daigdig ay darating
Upang kami ay tubusin?
Hesus, ating pag-asa
Hirap nami'y tapusin na
Dahil sa iyong awa
Lungkot mawawala.

Hesus, hinihintay Ka
At sabi ng mga propeta
Ika'y magpapalaya
Sa aming mga sala

Nasaan Ka,
Kailan ba
Sa daigdig ay darating
Upang kami ay tubusin?
Hesus, aming pag-asa
Hirap nami'y tapusin na
Dahil sa Iyong awa
Lungkot mawawala.

Sa pagsilang, kasama
Kapayapaan sa lupa
pagpapakumbaba,
Pag-ibig sa kapwa.
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Tulaan (The Forum of Batang Patio) All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group